2 ginto sa Fil-Ams tracksters
MANILA, Philippines - Itinakbo nina Fil-Ams Eric Cray at Princess Joy Griffey ang mga gintong medalya sa 100-meter dash sa athletics event ng 2014 PSC Philippine National Games kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagtala si Cray, ang gold medalist sa 2013 Southeast Asian Games sa Myanmar, ng bilis na 10.67 segundo para dominahin ang men’s 100m run, habang nagsumite si Griffey ng tiyempong 12.02 segundo sa women’s class.
Ang iba pang kumuha ng ginto sa kani-kanilang mga events ay sina Dave Gumacal at Dave Sta. Ana (10,000m walk), Loralie Sermona (hammer throw) at Melvin Calano (javelin throw).
Sa shooting sa Philsports, nagpaputok si Tito Carpio ng 562 para kunin ang ginto sa men’s 10-m air rifle at ungusan sina Carolino Gonzales (559) at Robert Donalvo (554), habang inangkin ni Shanin Gonzales ang ginto sa women’s air rifle.
Sa Riverbanks sa Marikina City, naghari si Juan Miguel Bautista ng Pasig sa anyo men’s individual double weapon sa arnis event.
Sa cycling sa Tagaytay, ibinulsa ni Jigo Mendoza ang gold medal sa men’s under-23 cross country nang iwanan sina John Renee Mier at Edmel Flores.
Si Ariana Dormitorio naman ang nag-reyna matapos talunin sina Avegail Rombaon at Meliza Jaroda.
Sa volleyball sa Ninoy Aquino Stadium, binigo ng Cagayan Valley ang NCBA, 25-13, 25-23, 25-27, 25-21, sa men’s division, habang iginupo ng ng Cagayan Valley ang Technological Institute of the Philippines, 25-11, 25-15, 25-17, sa women’s side.
- Latest