Matindi ang aksyon sa semis
Laro Bukas
(The Arena, San Juan City)
2 p.m. Adamson Lady Falcons
vs FEU Lady Tamaraws
4 p.m. National U Lady Bulldogs
vs UST Lady Tigresses
MANILA, Philippines - Labanan ng dalawang koponan na matitikas sa spiking ang matutunghaÂyan sa pagkikita ng nagdedepensang kamÂpeon National U Lady Bulldogs at UST Tigresses habang tagisan ng mga mahuhusay na imports ang sa hanay ng FEU Lady Tamaraws at Adamson Lady Falcons sa Shakey’s V-League Season 11 First Conference semifinals na magsisimula bukas sa The Arena sa San Juan City.
Winalis ng Lady Bulldogs ang laro sa quarterfinals para maging number one sa Group 2 at ang koponan ang lumabas bilang best spiker sa naitalang 39.97 success rate.
Ang matatangkad na manlalaro na sina Dindin Santiago, Jaja Santiago, Aiko Urdas, Carmina Aganon at Myla Pablo ang mga huhugutan ng lakas sa pag-atake para sa NU at makauna sa best-of-three series sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Pero hindi paiiwan ang Tigresses na number two sa departamento sa 34.92 success rate at sasandal sa husay ng bagitong guest player na si Ennajie Laure bukod sa mga beteranang sina Pamela Lastimosa, Carmela Tunay, Jessey De Leon at Marivic Meneses.
Ang bagong pasok na guest players na sina Rachel Ann Daquis at Jovelyn Gonzaga ang huhugutan ng puwersa ng Lady Tamaraws para makatuwang ng mga dating inaasahan na sina Bernadette Pons at Mary Joy Palma.
Nakita ang bangis nina Daquis at Gonzaga nang tulungan ang FEU na daigin ang St. Benilde Lady Blazers at Arellano Lady Chiefs sa quarterfinals. (ATan)
- Latest