Azkals inilampaso ang Nepal
MANILA, Philippines - Nakuha rin ng bagong Azkals coach na si Thomas Dooley ang kanyang unang panalo sa koponan nang ilampaso ang Nepal, 3-0, sa international friendly game noong Sabado ng madaling araw sa Grand Hamad Stadium sa Qatar.
Nagbunga ang pagtitiwala ng American coach sa mga baguhan na sina goalie Nicholas O’Donnel, Curt Dizon at Daisuke Sato nang ang mga ito ang siyang nagtrabaho para maitala ng Azkals ang unang panalo sa 2014.
Si Dizon na ipinanganak at lumaki sa England ang siyang naghatid ng unang goal sa Nationals matapos makumpleto ang magandang pasa galing kay Sato sa 14th minuto ng tagisan.
May 18 minuto ang lumipas at naging 2-0 ang iskor matapos ang kauna-unahang goal sa international competition ni Martin Steuble.
Ang ikatlong goal ay nangyari sa 90th minute na hatid ng pamalit na si Ruben Doctora Jr.
Si O’Donnel na nagÂlaro sa Ateneo sa UAAP football, ang siyang namahala sa pagdepensa sa mga atake ng Nepalese na nilasap ang ikalawang pagkatalo sa dalawang friendly sa Azkals.
Unang nagtuos ang dalawang koponan noong 2011 sa Manila at umarangkada rin ang home team sa 4-0 panalo.
Ang panalo ay tiyak na nakapagpataas ng morale sa Pambansang koponan na nakapagtala ng scoreless draw sa Malaysia at natalo sa Azerbaijan, 0-1, sa naunang dalawang international friendly. Dahil sa mga resultang ito, ang Pilipinas ay bumaba sa 143rd place mula sa 130th sa FIFA ranking na lumabas ngayong Abril.
Sasandalan ng kopoÂnan ang momentum na ito sa pagsukat sa Al Ahli SC na isang club team sa Qatar bukas.
Nagkalaban na ang Azkals at Al Ahli noong 2012 na ginawa sa Doha at nangibabaw din ang Nationals sa 3-1 iskor.
- Latest