Blu Girls magsasanay sa US para sa Asiad
MANILA, Philippines - Tatlong buwang pagsasanay sa US ang siyang nakikita ng Amateur Softball Association of the PhiÂlippines (ASAPhil) para mapalakas ang laban ng Blu Girls para sa medalya sa gaganaping Asian Games sa Incheon, Korea mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Sa bandang Hunyo balak isagawa ng ASAPhil ang training sa International Softball Federation (ISF) headquarters sa Plant City, Florida.
Ang planong ito ay ipinaalam na sa Task Force Asian Games sa panguÂnguna ni Chief of Mission at Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ricardo Garcia.
Ayon kay Asaphil secretary-general Danny Francisco, kailangan na sumailalim ang mga manlalaro sa matinding pagsasanay dahil hindi na husto ang talento lamang para daigin ang mga malalakas na bansa na Japan, Chinese Taipei at China.
Nakapasok na ang Blu Girls sa Pambansang delegasyon patungong Incheon dahil tumapos ito sa pang-apat na puwesto sa Asian Women’s Softball Championship noong nakaraang taon sa Chinese Taipei.
Mabigat ang laban sa softball dahil ang Japan, Taipei at China ay nasa unang limang malalakas na bansa sa sport sa mundo.
Kilala ang husay ng bansa sa softball noong mga dekada 70s at ang Blu Girls ay nalagay sa ikatlong puwesto sa idinaos na 1970 Osaka World Softball Championship sa Japan.
Ang host country ang nagkampeon bago sinundan ng US at Pilipinas.
Nagsasagawa pa ng tryouts si national coach Ana Santiago at palalakasin ang koponan sa posibilidad ng paghugot ng mga Fil-Ams kapag nagtungo na sila sa US sa pagsasanay.
- Latest