Kaso ng 2 PATAFA coaches iaakyat sa korte kapag ‘di inaksyunan ng PSC
MANILA, Philippines - Hindi malayong lumala pa ang problema sa pagitan ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) at Philippine Sports Commission (PSC) bunga ng pagkakatanggal ng mga sahod nina National coaches Joseph Sy at Rosalinda Hamero.
Humarap sa pulong pambalitaan kahapon sina PATAFA president Go Teng Kok, vice president Atty. Nicanor Sering, secretary-general Benjamin Silva Netto at sina Sy at Hamero sa Orchids Garden upang ihayag ang balak gawin matapos maudlot ang inasahang imbestigasyon ng PSC sa alegasyon sa dalawang coaches na inihayag ni commissioner Jolly Gomez.
“Nag-meeting kami last week at nag-apologize sa akin si commissioner Jolly sa ginawa niya na walang due-process. Pumayag siya na magkaroon ng imbestigasyon para ma-defend ng mga coaches ko ang kanilang sarili. Pero nagbago ito at ang mangyayari ay isang meeting na lamang sa Monday. Hindi ako papayag diyan dahil hindi iyan ang napagkasunduan namin,†pahayag ni Go.
Inakusahan ni Gomez sina Sy at Hamero na hindi nagagampanan ang kanilang mga trabaho at ang huli ng palsipikasyon ng dokumento para maisama ang hawak na atleta sa Pambansang koponan.
Parehong pinabulaanan ito ng dalawa at tinukoy pa ang paghakot ng anim na gintong medalya sa Myanmar SEA Games na patunay na epektibo ang mga inilatag nilang programa sa National athletes.
Dahil patuloy na hindi nabibigyan ng due process ng PSC, nagbabalak ang PATAFA na lumapit na sa korte para makakuha ng hustisya.
“There is a possibility that we can file civil suit. With regards to the criminal suit, I still have to look into that. But we can file civil suit seeking damages because their reputations have been besmirch,†ani Atty. Sering. (AT)
- Latest