7-dikit na talo ipinalasap ng Thunder sa Lakers
LOS ANGELES - Humugot si Kevin Durant ng 19 sa kanyang 43 points sa fourth quarter at ipinalasap ng Oklahoma City Thunder sa Lakers ang record-setting nitong pang-pitong sunod na kamalasan matapos kunin ang 107-103 panalo.
May 20-7 record ngayon ang Oklahoma City sapul nang mawala si
second-leading scorer Russell Westbrook, hindi pa naglalaro matapos kumuha ng triple-double noong Christmas Day sa Madison Square Garden.
Si Westbrook ay nagre-recover sa arthroscopic surgery sa kanyang kanang tuhod.
Nagdagdag naman sina Chris Kaman at Wesley Johnson ng 19 points para sa Lakers, habang nagtala si Kendall Marshall ng 14 points at 17 assists.
Naipatalo ng Lakers ang 22 sa kanilang huling 27 laro at katabla ang Sacramento sa ilalim sa Western Conference.
Ang panalo ng Thunder ang nagbigay sa koponan ng 1 1/2 game na agwat sa Indiana para sa NBA’s best record. Ang kanilang 43-12 marka ang nagtabla sa best start sa 47-taong kasaysayan ng kanilang prangkisa na naiposte ng Seattle SuperSonics noong 1995-96.
Sa Chicago, nagtala si Taj Gibson ng 16 points at nagbalik si Carlos Boozer mula sa isang injury para magdagdag ng 15 markers sa 92-76 panalo ng Chicago kontra sa Brooklyn.
Hindi nakalaro si Boozer ng tatlong laban ng Bulls dahil sa kanyang strained left calf.
Humakot si Joakim Noah ng 14 points at 13 rebounds para sa kanyang pang-limang sunod na double-double.
Pinamunuan naman ni Paul Pierce ang Nets sa kanyang 15 points bago ang All-Star break.
- Latest