Ceniza siblings nagposte ng bagong record sa Batang Pinoy
BACOLOD CITY, Philippines--Nagpalitan sa pagsira ng mga rekord ang magkapatid na sina Jhon Febuar at Evangelito Dale Ceniza ng Cebu City sa weightlifting event sa pagsasara ng Batang Pinoy National Finals 2013 kahapon.
Bumuhat ang 15-anyos na si Jhon Febuar ng mga bagong marka sa boys 46-kilogram snatch at clean and jerk para sa kabuuan niyang 63kg, 76kg at 139kg, ayon sa pagkakasunod.
Binura ni Jhon ang mga dating rekord ni Elbert Atilano ng Zamboanga sa snatch (55) at total (125) noong 2011 at ang itinala ni Clark Cui Co ng Cebu sa clean and jerk (75).
Naglista rin ng bagong marka ang kanyang nakababatang kapatid na si Evangelito Dale sa boys 42kg mula sa kanyang binuhat na 60-80-140 para burahin ang 45-70-106 ni Kenneth Bumagat ng Zamboanga City noong 2012 sa Tacloban.
Nagtala rin ng mga bagong rekord si national pool member Elien Rose Perez ng Bohol sa isinumiteng 57-62-119 sa girls 48kg para basagin ang 50-61-111 ni Margaret Colomia ng Zamboanga City (50-61-111) noong 2012 sa Tacloban.
Humugot pa ang Cebu City ng tatlo sa apat na gintong medalya sa lawn tennis sa likod ng mga panalo nina Jan Godfrey Seno, Zethley Alferez at Jana Pages sa boys singles, girls singles at girls doubles, ayon sa pagkakasunod.
Sinikwat naman ng Negros Occidental ang gintong medalya sa futsal.
Sa badminton, ibinulsa ni Susmita Ramos ng Negros Occidental ang golds sa girls 12-under singles at sa girls doubles katuwang si Ellana Tan.
Sa volleyball, tinalo ng Davao del Norte ang Iligan City, 3-2, para kunin ang girls title, habang namayani naman ang Pangasinan sa Hermosa, Bataan, 3-2, sa boys division.
- Latest