Heat sinilaban ang Lakers

Dinakdakan ni Chris Bosh ng Miami sina Jordan Hill at Pau Gasol ng Lakers

LOS ANGELES, Philippines --Tuma­pos ang Miami Heat bitbit ang 51 percent shooting upang ipalasap sa La­kers ang 101-95 pagkatalo noong Miyerkules para sa kanilang ikaanim na sunod na panalo.

Si Chris Bosh at Dwya­ne Wade ay may tig-23 puntos habang si Bosh ay humablot pa ng 11 rebounds upang kunin ng Heat ang ikalimang sunod na tagumpay sa La­kers na ang laro ay idinaos sa Araw ng Pasko.

Naglista ng 19 puntos si LeBron James habang 12 ang ibinigay ni Ray Allen para sa Miami na tumapos taglay ang 41-of-80 shooting sa labanan.

Ito ang ika-19 na sunod na panalo ng Heat kapag ang kalaro ay mga koponan mula West.

May 20 puntos si Nick Young para sa Lakers na gumawa lamang ng 42 percent shooting (33-of-79) upang matalo sa ikatlong sunod na pagkakataon.

Hindi nakasama ng La­kers si Kobe Bryant dahil napilayan ang kaliwang tuhod upang mabigo sa hangaring dagdagan ang kanyang NBA record na 16-sunod na paglalaro kapag ang game ay ginagawa tuwing Pasko.

Sa San Antonio, may 28 puntos si James Harden habang 20 rebounds at 15 puntos ang idinagdag ni Dwight Ho­ward para pa­ngunahan ang balanseng pag-atake sa 111-98 panalo ng Houston Rockets Spurs.

Ang iba pang starters ng Rockets na sina Chandler Parson at Terrence Jones ay may tig-21 puntos habang si Jeremy Lin ay gumawa ng 13 puntos, walong assists at isang turnover.

Ito ang ikalawang panalo sa dalawang pagkikita nila ng Spurs sa season at dumikit ng 3 ½ games sa nangungunang Spurs (22-7) sa Southwest Division.

Sa Golden State, lumu­tang naman ang husay sa pagdepensa ni Klay Thompson para tulungan ang Warriors sa 105-103 panalo sa Los Angeles Clippers.

Binutata ni Thompson si Chris Paul bago mahusay na nadepensahan ang sana’y buzzer-beater ni Jamal Crawford na nangyari sa huling isang segundo para ipreserba ang dalawang puntos na kalamangan.

Sa New York, humataw ng triple-double si Russell Westbrook habang si Kevin Durant ay may 29 puntos para ilampaso ng Oklahoma Thunder ang Knicks, 123-94.

Si Westbrook ay tumapos bitbit ang 14 puntos, 13 rebounds at 10 assists sa loob ng tatlong quarters ng paglalaro at ang Thunder ay nanalo sa ika-18 pagkakatalo sa huling 20 laban para tablahan ang league best record ng Portland at Indiana na 23-5 baraha.

Show comments