MANILA, Philippines - Ang binitiwang hamon na pag-ibayuhin ang laro sa bawat laban ang siyang tunay na susi sa muling paghirang sa La Salle para maging kampeon sa Season 76th UAAP men’s basketball.
Taong 2007 huling nakatikim ng korona sa UAAP ang Archers at kahit na nagparada ang koponan ng malalakas na line-up sa sumunod na mga seasons ay bigo sila na makamit ang pinaglalabanang korona sa liga.
“It has been a season of constant improvement,†wika ni rookie coach Juno Sauler sa kanyang pagsuma sa nangyari sa nagdaang season.
Ilang linggo bago nagsimula ang UAAP ay saka pa lamang pinangalanan si Sauler bilang head coach kapalit ni Gee Abanilla.
Pero dahil naintindihan ng mga manlalaro ang nais na mangyari ng bagong coach kung kaya’t nagtulung-tulong sila na umangat ang kalidad ng paglalaro habang lumalalim ang liga.
Natalo ang Archers sa unang laro sa UST sa overtime, 58-63, at tinapos ang first round bitbit ang losing record na 3-4 para magkaroon uli ng pagdududa kung ito na ba ang taon na hinihintay ng La Salle community upang muling makilala bilang pinakamahusay sa basketball.
Ngunit hindi nasira ang loob ng mga kasapi ng koponan at lalong nagsumigasig sa second round na kung saan nagposte sila ng kahanga-hangang 7-0 sweep para malagay pa sa second place sa 10-4 baraha matapos ang eliminasyon.
Nakatabla nila ang FEU sa mahalagang puwesto para sumabak sa isang playoff na napagwagian pa ng La Salle, 74-69, upang kunin din ang mahalagang twice-to-beat advantage laban din sa Tamaraws.
Hindi naman kinailangan ng La Salle na sagarin ang bentahe dahil sa pagsisimula ng semifinals ay pinana agad nila ang Tamaraws tungo sa 71-68 tagumpay at makapasok sa Finals laban sa UST na pinabagsak ang number one team sa elims na National University sa dalawang magkasunod na panalo, 71-62 at 76-69.
Noong huling nagkita ang Tigers at Archers sa Finals noon pang 1994 ay nanalo ang UST sa tatlong mahigpitang laro.
Pinasigla pa ang best-of-three championship series ng tapatan ng magkapatid na sina Jeron Teng ng La Salle at ang pa-graduate ng si Jeric Teng ng UST para patingkarin ang inaasahang klasikong title series.
Hindi naman nabigo ang mga panatiko ng magkabilang koponan at agad na nagparamdam ang Tigers ng kahandaan na kunin ang ika-18 titulo at pangalawang kampeonato ni coach Alfredo Jarencio nang tapusin ang nine-game winning streak ng Archers sa 73-72.
Bumawi ang Archers sa ikalawang pagkikita sa pamamagitan ng 77-70 tagumpay para mauwi sa isa’t-isa ang labanan para sa korona.
Wala namang ibang gaganda pa sa isang sudden-death kungdi ang makita ang dalawang nagtatagisan na sumabak pa sa overtime
Dito ay lumabas ang tikas ng Archers na kinuha ang 71-69 panalo dahil na rin sa game-winning jumper ng beteranong si Almond Vosotros.
Sa kabuuan ng season, ang nasa pangalawang taon na si Teng ang siyang nagdala sa batang koponan at tinapos niya ang 76th season bitbit ang 15.4 puntos, 7 rebounds at 3 assists sa 32.7 minutong paglalaro.
Naghatid si Teng ng 18.5 points, 4.5 rebounds at 4.5 assists sa Playoffs para hirangin pa bilang Finals MVP.
“Since the start of the UAAP, coach told us that we have to improve and we must not settle for a one game victory. We have bigger goals to achieve,†wika ni Teng patungkol sa naituro sa kanya ng bagong mentor.
Ito ang ika-walong kampeonato ng La Salle sapul nang pumasok sa UAAP noong 1986 at tiyak na hindi ito ang kahuli-hulihan sa panahon ni Sauler dahil itutulak pa rin niya ang mga magiging alipores na magpatuloy sa pag-improve, bagay na dapat tapatan ng mga karibal na paaralan sa liga. (ATan)