Ika-3 gold sa athletics itinakbo ni Cray
MANILA, Philippines - Pinangatawanan ng baguhan sa National team na si Eric Shawn Cray ang pagiging paborito sa men’s 400m hurdles nang magtala siya ng bagong SEA Games record tungo sa gintong medalya sa pagpapatuloy ng athletics kahapon sa Wunna Theikdi Stadium sa Nay Pyi Taw, Myanmar.
Kinuha lamang ni Cray ang distansya sa 51.29 seÂgundo para lunurin ang 51.45 segundo dating record na naitala noong 2011 sa Indonesia ni Dao Xuan Cuong ng Vietnam.
Si Dao ay sumali rin sa kompetisyon pero nalagay lamang siya sa pangatlong puwesto sa 51.79 segundo kasunod ni Andrian Andrian ng Indonesia sa 51.74 oras.
Naunang sinabi ni Cray, na ipinanganak sa Olongapo pero lumaki sa US, na sa kanya na ang gintong medalya sa nasabing event.
Suportado naman ang pagmamalaki ng three-time All-American mula University of Oklahoma ng kanyang best time sa distansya na nasa 50.4 segundo.
Noong Mayo sa Philippine National Games ay nagtala si Cray ng 50.7 segundo na higit na sa dating SEA Games record.
Magkakaroon ng pagkakataon si Cray na maging double-gold medalist ng bansa sa pagsali niya sa 110m hurdlers. Ito na ng ikatlong ginto ng Pilipinas sa athletics upang pantayan ang naibigay ng wushu at boxing sa Pambansang delegasyon.
May laban pa ang tracksters sa ibang events na nalalabi upang gumanda ang tsansa na maabot ang limang gintong prediksyon na makukuha sa edisyong ito.
- Latest