Suarez ‘di makakasuntok sa Myanmar SEAG
MANILA, Philippines - Nalagasan pa ang Pilipinas ng isang nagdedepensang kampeon nang hindi makasama ang boxer na si Charly Suarez sa manlalaro sa Myanmar SEA Games mula Disyembre 11 hanggang 22.
Si Suarez na nagdedepensang kampeon sa lightweight division nang talunin si Matius Mandiangan ng Indonesia sa 2011 SEA Games sa Palembang, Indonesia.
Sa liham na ginawa ni ABAP executive director Ed Picson para kay Chief of Mission Jeff Tamayo, kanyang sinabi na si Suarez ay may iniindang shoulder injury at kailangan itong operahan.
Si Junel Cantancio ang siyang ipinalit sa puwesto ni Suarez.
Ang Pilipinas ay kumulekta ng apat na ginto noong 2011 at bukod kay Suarez ay nanalo rin si light welter Dennis Galvan sa kalalakihan at sina pinweight Josie Gabuco at light flyweight Alice Kate Aparri sa kababaihan.
Si Aparri ay hindi rin makakasama dahil nagdadalang-tao.
Sina Galvan at Gabuco ay bahagi pa ng koponan na aasa rin sa husay ni London Olympian Mark Anthony Barriga para sa mahalagang gintong medalya.
Ang iba pang kalahok ay sina Rey Saludar, Mario Fernandez at Wilfredo Lopez at sina Irish Magno, Maricris Igam at Nesthy Petecio ang kukumpleto sa kababaihan.
- Latest