Wang’s inilaglag ang Cagayan Valley Big Chill, NLEX malinis pa rin
MANILA, Philippines - Naipasok ni Jonathan Banal ang kanyang dalawang free throws bago inagawan ni Bryan Ilad si Mark Bringas para tuluÂngan ang Wang’s Basketball sa 76-74 upset na panalo sa Cagayan Valley sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Humabol ang Couriers mula sa 64-70 iskor at nakalamang pa sa 74-72 sa tres ni Mark Acosta.
Pero nakaagaw si Mark Cruz para magtabla ang dalawang koponan sa 74-all ngunit napasabit ni Banal si Bringas tungo sa dalawang matagumpay na buslo sa 15-footline.
Nakumpleto ang di magandang endgame ni Bringas matapos maibigay ang bola kay Ilad para lasapin ng Rising Suns ang ikalawang kabiguan laban sa limang panalo.
May 11 puntos si Banal para suportahan ang 22 at 14 nina Michael Juico at Acosta at ang Couriers ay umangat sa 2-3 baraha.
Hindi naman nagpabaya ang Big Chill at NLEX para manatiling walang talo ang mga kartada.
Gumawa ng tig-18 puntos sina Reil Cervantes at Mar Villahermosa para pangunahan ang 94-87 panalo ng Superchargers sa Café France habang nagtulong ang starters at bench ng Road Warriors para sa 82-75 pananaig sa Boracay Rum.
Walong puntos sa 18 second half points ni Villahermosa ang kanyang ibinigay sa ikatlong yugto para pag-initin ang opensa ng koponan matapos makadikit ang Bakers sa 49-53.
Ito ang ikaanim na diretsong panalo ng bataan ni coach Robert Sison para tumibay ang paghahabol sa unang dalawang puwesto na didiretso sa semifinals.
Si Mac Montilla ay mayroong 23 puntos para sa Bakers na nabawasan ang inaasahang manlalaro dahil ang mga Centro Escolar University cagers ay kumakampanya sa PCCL.
May 23 puntos si Garvo Lanete habang si Arthur Dela Cruz ay may 10 mula sa bench para pangunahan ang mga manlalarong ginamit ni coach Boyet Fernandez sa ikatlong sunod na panalo.
- Latest