Waves, Giants makikisalo sa unahan
MANILA, Philippines - Magtatangka ngayon ang Boracay Rum at Jumbo Plastic na saluhan sa unang puwesto ang pahingang Cagayan Valley sa pagharap sa magkahiwalay na laro sa PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa JCSGO Gym sa Quezon City.
Ang Giants ang unang sasalang laban sa Café France sa ganap na alas-12 ng tanghali bago sundan ng Waves na susukatin ang husay ng Blackwater Sports dakong alas-2 ng hapon.
Magbubukas naman ng kampanya ang Big Chill kontra sa BDO-National University sa ikatlong laro dakong alas-4 ng hapon.
Galing sa dominanteng panalo ang Jumbo Plastic at Boracay Rum nang kanilang durugin ang BDO (76-56) at Derulo Accelero (89-56).
Pero hindi magiging madali ang puntiryang ikalawang sunod na panalo ng dalawang koponan dahil palaban ang kanilang mga katunggali.
Ang Bakers ay may 1-1 baraha at galing sa 70-67 panalo sa Cebuana Lhuillier.
Sina Eliud Poligrates, Jens Knuttel, Chris Eximiniano at Mike Parala ang mga nagtulong-tulong para manalo ang koponan at makabangon agad matapos mabigo sa RiÂsing Suns.
Ngunit kasali ang apat na players na nabanggit sa PBA Drafting kahapon at kung napili ay hindi na makakasama ng koponan mula ngayon na maaaring kapitalisahin ng Giants.
- Latest