Azkals lalaro sa UAE para sa FIFA rankings
MANILA, Philippines - Pangungunahan ng magkapatid na sina Phil at JaÂmes Younghusband ang Philippine Azkals na tutungo sa United Arab Emirates (UAE) para sa isang FIFA International Friendly game sa Nobyembre 9.
Si Chieffy Caligdong at sina Angel at Juan Luis Guirado ay sasama rin sa 20-manlalaro na magtatangkang kunin ang panalo para gumanda pa ang FIFA rankings bago matapos ang taon.
Wala ang pambatong goalie na si Neil Etheridge at ang mahusay na si Stephan Schrock pero solid pa rin ang koponan na aaniban nina Jeffrey Christiaens, Jason De Jong, Patrick Deyto, Marwin Angeles, Amani Manuel Santos Aguinaldo, Robert Gier, Chris Greatwich, Mark Hartmann, Ray Jonsson, Jerry Lucena, Jose Porteria, Patrick Reichelt, Misagh Bahadoran, Jerry Barbaso at Ed Sacapano. Ang mga manlalarong ito ay naunang nagsama-sama sa Philippine Peace Cup na dinomina sa ikalawang sunod na pagkakataon ng Azkals at sina James Younghusband, Christiaens at Reichelt ay umiskor sa torneo tulad ni Schrock.
Ang Pilipinas ay nasa pinakamataas na FIFA ranking na 137 pero mapapalaban sila sa host country na may ranked 71st sa mundo.
Matapos ang UAE ay makakaharap pa ng Azkals ang India sa isang Friendly game sa Nobyembre 15.
Ginagamit ng Azkals ang laro laban sa UAE at India bilang parte ng paghahanda para sa AFC Challenge Cup sa Maldives mula Mayo 19 hanggang 30, 2014.
- Latest