Perlas pinulbos ang Hong Kong
MANILA, Philippines - Inilampaso ng National women’s team ang Hong Kong, 87-57, sa pagbubukas ng kampanya sa FIBA Asia Women’s Championship Women kahapon sa Bangkok Youth Center sa Thailand.
Gumawa ng 22 puntos si Analyn Almazan habang pinagsamang 26 ang tinipa nina Merenciana Arayi at Bernandette Mercado upang bigyan ng 1-0 kalamangan ang tropa ni coach Haydee Ong sa Level II ng kompetisyon.
Mula sa 23-19 dikitang iskor sa first period ay nagpakawala ang Discovery Perlas ng 28-14 palitan sa ikalawang yugto para iwanan ang Hong Kong, 51-33, sa first half.
May pitong rebounds pa si Almazan habang ang beteranang si Joan Grajales ay mayroong anim na assists upang makapagdomina ang bansa sa katunggali sa nasabing departamento, 25-16.
Hawak din ng NatioÂnals ang 23-13 bentahe sa rebounding at sa pagtutulungan sa ilalim nina Almazan, Casey Tioseco at Chovi Borja ay dinurog ng koponan ang Hong Kong sa inside points, 34-10.
Sina Chu Hau Yee at Law Lai Yi ang nanguna sa natalong koponan sa tig-11 puntos.
Sunod na kalaban ng Nationals ang UzbekisÂtan ngayong tanghali at hanap pa ng koponan ang mapaganda ang takbo ng opensa dahil sa Oktubre 29 ay tiyak na mapapalaban sila sa pagharap sa host Thailand.
Kailangang hindi matalo ang koponan sa mga SEA countries na Thailand, Malaysia at Indonesia na nasa Level II para masama sa Myanmar SEA Games sa Disyembre.
Nakasalo agad sa maagang liderato ang Malaysia na pinataob ang Indonesia, 61-49, sa ikalawang laro.
- Latest