Cagayan kampeon sa V-league na-sweep ang Smart-Maynilad

MANILA, Philippines - Sumikat na ang araw ng Cagayan Province sa Shakey’s V-League.

Nanumbalik ang bagsik ng laro ng Cagayan Province sa fifth set para makumpleto ang makasaysayang araw sa koponan nang kunin ang 25-16, 19-25, 25-15, 22-25, 15-7, panalo sa Smart-Maynilad sa Game Two sa Shakey’s V-League Season 10 Open Conference Finals kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Lutang ang kahusayan ng Lady Rising Suns na alisin agad ang panghihinayang nang hindi natapos ang laro sa fourth set sa pamamagitan ng pagbuhos ng lahat na makakaya sa deciding fifth set para mahawakan ang titulo sa pamamagitan ng ubod ng tamis na 16-0 sweep.

Ito ang unang titulo sa dalawang pagtapak sa Finals ng Cagayan pero sila pa lamang ang koponang nakapagtala ng sweep sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.

Sina Kannika Thipachot at Angeli Tabaquero ay nagsanib sa 36 kills at  nagtala ng 24 at 18 hits pero naroroon ang ipinagmamalaking suporta ng ibang kasamahan, isang bagay na hindi nawala sa buong conference.

Hindi man nakakaopensa, bumawi sina Wenneth Eulalio at Paulina Soriano sa depensa sa kinamadang tig-tatlong blocks para madomina ng tropa ni coach Nestor Pamilar ang departamento, 14-9.

Si Maizo ay nalimitahan sa walong hits pero dalawang sunod ang ginawa niya para bigyan ng 8-2 bentahe ang Lady Rising Suns sa huling set.

Tinapatan naman ng Thai setter na si Phomia Soraya ang 53 excellent sets ni Net Spikers setter Rubie de Leon bukod pa sa dalawang aces para ibigay sa kanya ang Finals MVP sa torneong may ayuda ng Accel at Mikasa.

Sa fourth set ay may pagkakataon na sana ang Lady Rising Suns na manalo nang tabunan ang 13-16 score sa pagpanalo sa sumunod na apat na puntos para umangat sa 17-16.

Lumamang pa ng da­lawa ang Cagayan, 22-20, ngunit nagtulung-tulong sina Dindin Santiago at Alyssa Valdez para kunin ang set, 25-22.

Ngunit nagbago ang timpla ng tropa ni coach Roger Gorayeb at ang mga errors nina Santiago at Lithawat Kesinee ang nakasama sa Net Spikers nang naiwanan sila agad ng Cagayan.

Naipakita ni Santiago ang pinakamagandang laro para sa Smart sa kanyang 23 kills tungo sa 26 hits habang tig-13 hits ang ambag nina Kesinee at Valdez.

Ngunit hindi napigilan ng Net Spikers ang kanilang errors na nagbigay ng 32 puntos sa Cagayan.

Nauna rito ang pamamayagpag din ng Philippine Army sa Philippine Air Force, 25-18, 23-25, 25-23, 25-15, para sungkitin ang ikatlong puwesto sa  naturang torneo.

 

Show comments