Stags binalikan ang Pirates
MANILA, Philippines - Ibinaon sa limot ng San Sebastian ang upset na naihatid ng Lyceum sa unang pagkikita nang kunin ang 58-53 panalo sa 89th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Lumayo ng hanggang 12 puntos ang Stags sa huling yugto at sapat ang naipundar na kalamangan sa tangkang pagbalikwas ng Pirates upang maisulong ang pumapang-apat na karta sa 8-5 baraha.
Si Jaymar Perez ay may 28 puntos at 11 rebounds pero nakatuwang niya ang beteranong si Jovit dela Cruz nang nanakot sa ikatlong yugto ang Pirates upang maipaghiganti ang tinamong 55-60 pagkatalo sa first round.
Naunang dumikit ang Lyceum sa 39-37 pero apat na sunod na puntos ni Dela Cruz ang nagtulak sa Stags sa 45-37 lamang sa pagtatapos ng ikatlong yugto.
Isang 5-0 bomba ang ibinulaga ng Baste sa huÂling yugto na kinatampukan ng tres ni Perez para ibigay ang 49-37 kalamangan bagay na naprotektahan ng koponan ni coach Topex Robinson kahit nakadikit uli sa dalawa ang Pirates, 55-53, sa limang sunod na puntos ni Shane Ko.
Ito ang ika-siyam na pagkatalo ng tropa ni coach Bonnie Tan matapos ang 13 laro at kailangan nilang walisin ang nalalabing limang laro at ipanalangin na hindi lalampas sa siyam na panalo ang iba pang palaban sa Final Four para magkaroon ng tsansa na makahirit ng playoff.
SSCR 58-Perez 28, Dela Cruz 6, Rebollos 5, Gusi 4, Tano 4, Trinidad 3, Vergara 3, Balucanag 2, Aquino 2, Magno 1.
LPU 53--Zamora 12, Ko 11, Mbomiko 10, Lesmoras 6, Francisco 4, Ambohot 4, Azores 2, Lacastesantos 2, Taladua 2, Mendoza 0.
Quarters: 23-12, 36-20, 45-37, 58-53.
- Latest