Korona wala nang kawala sa Davao bets
TAGUM City, Philippines--Humataw din ang Davao City sa mga contact sports para makumpleto ang pagdodomina sa 2013 Batang Pinoy Mindanao qualifying leg sa Davao del Norte Sports and Toursim Center dito.
Lalabas ang delegasyon bilang pinakamahusay sa mga sumali matapos magkaroon na ng 77 ginto, 58 pilak at 31 bronze medals at iniwang nagkukumahog ang General Santos City at host Davao del Norte.
May 35-24-24 medal tally ang Gensan habang ang Davao Del Norte ay nagkaroon ng 14-14-32 medal count.
Matapos magdomina sa athletics at swimming, ang Davao City ay nanaig pa sa wrestling, arnis at karatedo bukod pa sa panalo sa badminton at soft tennis para magkalat ang pinagkunan ng ginto ng delegasyon.
May 19 gintong medalya ang Davao City sa wrestling at nanguna rito sina Sydney Sy Tancontian (62kg), Christian Badian (53kg), Ronald Glenn Occena (66kg) at Jhanine Marcos (40kg).
Sina Ethel Flores, Maridel Flores at Lya Mae Carillo ay nagtulong sa girls kata para pamunuan ang mga karatekas habang sina Klein Mataverde (bantamweight), Michael Adolfo at Amena Segura (light) ang ilan sa mga nanalo sa full-contact arnis.
Sina Arthur Salvado Jr. at Deon Ronald Omana ang kampeon sa boys’ under-12 at under-15 sa badminton habang si Clarizza Caorte ang kampeon sa girls’ soft tennis singles.
Ang iba pang delegasyon na nakitaan ng magandang laro ay ang Cagayan de Oro, Compostela Valley at Mati City sa larangan ng arnis, futsal at sepak takraw.
- Latest