Kampeon sa US Open One Pocket title Orcolo wagi kay Deuel
MANILA, Philippines - Hindi nawala ang tumbok ni Dennis Orcollo nang kalusin si Corey Deuel ng US sa finals ng US Open One Pocket title na pinaglabanan kamakailan.
Hiniritan ni Orcollo ng 5-3 panalo si Deuel sa championship upang makumpleto ang magarang laro na kung saan hindi siya natalo sa winner’s group.
Dalawang beses pa niyang nakalaban si Deuel sa torneo at ang una ay para sa hot seat na madaÂling dinomina ng Filipino cue-artist sa 4-0 iskor.
Bumaba sa loser’s side si Deuel at minaliit ang hamon ng isa pang Pinoy na si Carlo Biado, 3-2, sa labanang umabot ng limang oras at magdedetermina kung sino ang katunggali sa titulo ni Orcollo.
Halagang $7,500.00 ang premyong naiuwi ni Orcollo habang $4,800.00 ang pakonsuelo ni Deuel.
Ang panalo ay magpapataas ng morale ni Orcollo sa paglahok niya sa US 10-ball Open na kung saan siya ang nagdedepensang kampeon.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Pinoy sa torneo sa US matapos mamayagpag si Biado sa Hard Times 10-ball Open.
Si Biado na nakapag-uwi ng $3,500.00 premyo, ang lalabas na ikaapat na sunod na manÂlalaro ng bansa na hinirang na kamÂpeon ng torneo matapos sina Lee Van Corteza (2010), Alex Pagulayan (2011) at Orcollo (2012).
Pumangalawa kay Biado si Pagulayan para sa $3,200.00 premyo bago sumunod si Orcollo na may $1,800.00 premyo. Ang dayuhang nakalusot para malagay sa top four ay ang German pool wizard Ralf Souquet para sa $1,000.00 premyo.
Si Biado ay kasali rin sa US 10-ball Open tulad ni Corteza para magkaroon ng tatlong kinatawan ang Pilipinas.
Naglalaro na ang US 10-ball Open at si Orcollo ay mahaharap sa dalawang laro para makahabol sa ibang katunggali.
Unang katapat ni Orcollo si Kenichi Uchigaki ng Japan at ang mananalo ang makakasukatan si Shane Van Boening ng USA.
- Latest