Sabal, Tawagin nanguna sa Laguna elims ng MILO
MANILA, Philippines - Kumaripas ng takbo si Cresenciano Sabal sa huling isang kilometro para agwatan ang palabang si Johnny Espana sa 37th National MILO Marathon Regional Elimination kahapon sa San Pablo City, Laguna.
Kinuha ni Sabal ang 21-kilometrong karera sa bilis na isang oras, 17 minuto at 11 segundo at nakalayo lamang kay Espana ng 17 segundo para pumangalawa sa daÂtingan.
Nasa ikatlong puwesto ang beteranong runner na si Bernardo Desamito Jr. sa kanyang oras na 1:19:01.
Nakuha ni Sabal, kampeon sa National Marathon Finals noong 2005, 2007 at 2009, ang P10,000.00 premyo at tropeo bukod sa pag-usad sa National Finals na gagawin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City sa Disyembre 8.
Si Cresenciano ang ikalawang Sabal na nakapasok sa National Finals matapos ang kapatid na si Gerald na nagdomina sa Lipa City leg sa 1:21:06 oras.
Sinamahan si Sabal sa podium ni Janice Tawagin na tinalo si Ailene Tolentino sa kababaihan.
Naorasan si Tawagin ng 1:33:01 kumpara kay Tolentino na may 1:36:36 kasunod si Marilyn Bernardo na may 1:42:43 oras.
Tumanggap din ng P10,000.00 si Tawagin.
Nagdaos din ng mga side events at ang nanalo sa 10K ay sina Ferdinand Corpuz (33:47) at Donna Pasco (43:26), sina Jay-Ar Laido (15:18) at Lovely Generoy (18:28) ang kampeon sa 5K.
- Latest