Sinclair U22 National Finals: Batangas, Pagsanjan paborito sa titulo
MANILA, Philippines - Pinapaboran ang Taal, Batangas at Pagsanjan na siyang magkikita sa championship sa Sinclair Basketball Super League Under-22 National Finals na magsisimula ngayon (Hulyo 4) sa Laguna Sports Complex.
Ito ang binanggit ni national coordinator Darren Evangelista matapos makita kung gaano nakapagdomina ang dalawang koponan sa city at regional eliminations na ginawa nitong nakaraang tatlong buwan.
Pero hindi naman niya isinasantabi ang kakayahan ng anim na iba pang koponan na kasali lalo pa’t bukod sa national title ay may P100,000.00 premyo ang mapaÂpasakamay sa mananalong koponan.
Ang mga hahamon sa dalawang napapaborang koponan na suportado nina Tom Apacible at Fr. Richard Panganiban (Taal, Batangas) at Laguna Gov. ER Ejercito (Pagsanjan) ay ang Erbie Fabian-Southern City College (Zamboanga), Tangalan Aklan team (Province of Aklan), Lyceum of Subic Bay (North Luzon), Polytechnic University of the Philippines (NCR), Sorsogon City (Sorsogon) at San Pedro (Laguna B).
Nakasama ni Evangelista sa Forum sina Laguna sports officer Albert Abarquez at Sinclair executive Delmond Mercado.
Inihayag ni Abarquez na ang hosting ng National Finals ay isa lamang sa maraming sports events na balak itaguyod ng Laguna habang si Mercado ay nagsabi na daan-daan na mga barangay courts sa bansa ang kanilang pininturahan na bilang bahagi ng promosyon ng kumpanya sa ligang may basbas ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Ang drawing of lots ay gagawin bago ang opening ceremony para malaman kung sinu-sino ang magkakasama sa Group A at B.
- Latest