Pinas pagmumultahin ng AVC kung ‘di lalahok
MANILA, Philippines - Isinama ang Pilipinas sa mga maglalaro sa 17th Asian Senior Women’s Volleyball Championship na gagawin sa Thailand mula Setyembre 13 hanggang 21.
May 16 bansa ang maglalaban-laban sa torneong lalaruin sa Nakhon Ratchasima at ang Pilipinas ay nasama sa Group B na kinabibilanganan din ng nagdedepensang kampeon na China, Iran at India.
Ang number one team sa Southeast Asia na Thailand ay nasa Group A kasama ang Kazakhstan, Australia at Mongolia, ang pumangalawa sa 16th edisyon na Japan ay kasama ng Vietnam, Indonesia at Hong Kong sa Group C habang ang nasa Group D ay ang Korea, Chinese Taipei, Myanmar at Sri Lanka.
Taong 1997 ng itinaguyod ng Pilipinas ang nasabing torneo habang noong 2003 sa Ho Chi Minh City, Vietnam at 2005 sa Taicang, China huling sumali ang ambansang koponan at tumapos ang ipinadalang koponan sa ikawalo at siyam na puwesto, ayon sa pagkakasunod.
Ang paglahok sa Asian Senior ang ikalawang paglabas ng women’s team matapos sumali sa Asian Southeastern Zone Women’s Volleyball qualifier sa Vietnam at ang koponang hinawakan ni coach Roger Gorayeb ay nanalo sa Myanmar pero natalo sa Indonesia at Vietnam.
Kung paano makakasali ang Pilipinas sa torneo ay isang katanungan pa matapos magdesisyon ang Philippine Sports Commission (PSC) na buwagin agad ang team na naglaro sa Vietnam na ipinadala ng Philippine Olympic Committee (POC). Dahil opisyal ng kasali sa Asian Senior, ang pag-atras ng Pilipinas ay mangangahulugan ng $10,000.00 multa sa Asian Volleyball Confederation.
- Latest