Lakers nalagasan uli ng 2 players
LOS ANGELES--Hindi na naglalaro si Kobe Bryant para sa Los Angeles Lakers, at nadagdag pa si guard Steve Blake at posibleng maging si veteran Steve Nash .
Inihayag ng Lakers na maaaring maupo si Nash, isang two-time NBA Most Valuable Player, para sa Game 3 ng kanilang Western Conference first-round series laban sa San Antonio sa Biyernes matapos lumala ang kanyang hamstring injury sa 91-102 tagumpay ng Spurs noong Miyerkules.
Ang kabiguan ang naglubog sa Lakers sa 0-2 laban sa Spurs sa kanilang best-of-seven series.
Nakita naman sa MRI exam ni Blake ang isang moderate strain sa kanyang right hamstring.
Ipapahinga naman ni guard Jodie Meeks ang kanyang ankle sprain sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Si Blake ang sumalo sa puwestong naiwan ni Bryant, nakalasap ng isang season-ending Achilles’ tendon tear sa huling linggo ng regular season.
Hindi naman naglaro si Nash sa huling walong laban ng Los Angeles sa regular season bunga ng kanyang hamstring problems.
- Latest