Pikon talo
Pang-habang buhay man o hindi, matinding sampal kay Renaldo Balkman ang parusang ipinataw sa kanya ni PBA commissioner Chito Salud.
Kung ako ang tatanungin, tama lang ang hatol.
Saan ka ba naman nakakita ng PBA import na nananakal sa loob ng court, sa harap ng libu-libong tao sa Smart-Araneta Coliseum at milyun-milyong fans na nanonood sa TV.
Ang masama pa nito, sarili niyang kakampi sa Petron na si Arwind Santos ang sinakal ni Balkman.
Hinawi pa niya ang assistant coach na si Biboy Ravanes at tinulak ang isa pang kakampi na si Ronald Tubid. Talagang nawala sa sarili.
Ngayon eto na ang pagsisisi ng former NBA player. Dati na din kasi siyang naniko sa NBA at nang-headbutt sa isang laro sa isang FIBA tournament.
Maganda pala ang plano niya pagkatapos ng PBA Commissioner’s Cup at kabilang dito ang paglaro sa NBA D-League o kaya naman ay sa iba pang bansa.
Pero kung baga sa driver, pano ka mag-aaply sa trabaho kung tadtad ng pulang marka ang lisensya mo. Kung baga, bad record.
Humingi din naman ng paumanhin si Balkman sa lahat ng naapektuhan sa pangyayari.
Kaya lang, hindi na din ito tumbimbang sa decision ni commissioner.
Ang dinig ko ay paalis na ng bansa si Balkman sa Linggo at parating naman ang import na papalit sa kanya.
Sana naman ay hindi mainitin ang ulo ng pamalit na import ng Petron dahil talagang walang lugar sa PBA ang isang player na mahilig sa basag ulo.
Trabaho lang. Walang personalan.
Walang sakalan.
- Latest