SHS-Ateneo de Cebu mabigat na laban ang haharapin sa Seaoil NBTC
MANILA, Philippines - Mapapalaban ang Sacred Heart School-Ateneo de Cebu kung ang puntiryang ikatlong sunod na titulo sa Seaoil National Basketball Training Center ang pag-uusapan.
Ang nasabing paaralan ang nagdomina sa liga sa huling dalawang taon at noong 2012, sa pamumuno nina Julius Cadavis at Henry Asilum, ay tinalo ang La Union College of Nursing Arts and Science, 90-78, sa Finals.
Matapos nito, si Cadavis ay napunta sa Arellano University sa NCAA at si Asilum ay naglaro sa UP sa UAAP.
Umabot sa 200 high school teams mula sa 20 Siyudad ang sumali at ito ay hinati sa apat na sektor na North Luzon (La Union, Olongapo, Baguio, Dagupan at Tarlac), South Luzon (Cavite, Lucena, Batangas, Legazpi at Naga), Visayas (Cebu, Iloilo, Bacolod, Ormoc at Tacloban) at Mindanao (Davao, Cagayan de Oro, Iligan, Bukidnon, Zamboanga).
Ang mga koponang magtatangkang wakasan ang pagdodomina ng Sacred Heart School-Ateneo de Cebu na suportado ng Maynilad ay ang Meralco-Christian Values School ng Cavite, Smart-Sto. Domingo National HS ng Legazpi City, Meralco-Calayan Educational Foundation Inc. ng Lucena, NLEX-St. Albert D’ Great School ng Dagupan, NLEX-Don Bosco Technical Institute ng Tarlac, NLEX-La Union, Philex-Sacred Heart of Jesus Montessori School ng Cagayan de Oro, Philex-Holy Child College ng Davao, Philex-Southern City College ng Zamboanga, Smart-Iloilo Central Commercial HS, Smart-West Negros University ng Bacolod, Maynilad-Sacred Heart School-Ateneo de Cebu, Extreme 97-San Beda College, Exceed Diesel-National University, 4T Power-Faith Academy, at Mako-Hope Christian HS.
Knockout game ang format na gagawin sa Philsports Arena at Ynares Center sa Pasig City mula Marso 1 at 2 habang ang Seaoil NBTC Finals ay itinakda sa Marso 3.
- Latest