Pinakamagagaling na players ang dapat isabak ng Pinas - Khajirian

MANILA, Philippines -   Naniniwala si FIBA Asia secretary general Hagop Khajirian na walang tsansa ang Pilipinas na maibalik ang glorya nito maliban na lamang kung paglalaruin ang pinakamagagaling nitong basketball players.

“Championship will come as a result of hard work not by luck. One can be lucky to make one shot, one layup, but not winning the championship,” wika ni Khajirian kahapon sa isang press conference matapos ang kanyang inspeksyon sa mga playing venues at iba pang pasilidad na gagamitin para sa 2013 FIBA Asia Championship na pa­mamahalaan ng bansa sa Agosto 1-11.

Base sa resulta ng mga Asian meets, ibinilang ni Khajirian ang Pilipinas bilang pang-lima sa ilalim ng China, Korea, Iran at Lebanon bilang mga koponang may tsansang makuha ang 27th edition ng biennial championship.

“You’ll notice I rank the Philippines at No. 5 because you’re not sending your full squad, not your best players. I hope this will be different in August,” ani Khajirian.

Alam ni Khajirian ang nangyaring kaguluhan sa local cage federation na nagresulta sa pagkakasus­pinde ng bansa sa mga FIBA competitions.

Alam din niya ang problema sa iskedyul ng local pro league sa mga FIBA tourneys. 

Ang tanong kung pa­ano ang pagbuo ni Natio­nal coach Chot Reyes sa Natio­nal team ay malalaman sa kanyang pakikipagpulong kay PBA commissioner Chito Salud ngayon.

Inutusan ng PBA board ang mga PBA teams na magpahiram ng isang pla­yer para sa National team.

Ngunit gusto ng pro lea­gue na kaagad pangalanan ni Reyes ang kanyang Final 12 kasama ang dalawang reserves.

 

Show comments