Bryant, Nash at Gasol pumukpok sa Lakers

LOS ANGELES -- Ma­gandang mga pasa mula kay Kobe Bryant, mahahalagang puntos galing kay Steve Nash at mahusay na pagbunot kay Pau Gasol mula sa bench.

Dahil sa mga ito, tinalo ng Los Angeles Lakers ang Oklahoma City Thunder, 105-96.

Humakot si Bryant ng 21 points, 14 assists at 9 rebounds, samantalang humugot si Nash ng pito sa kanyang 17 points sa huling 5:30 minuto sa fourth quarter para banderahan ang Lakers.

Umiskor naman si Gasol ng 16 points sa isang reserve role.

Bago ang panalo ay natalo ang Lakers sa siyam sa kanilang 11 beses na pagkikita ng Thunder, ang defending Western Confe­rence champion.

Tumipa si Kevin Durant ng 35 points at nagtala si Russell Westbrook ng 17 points, 13 assists at 9 rebounds para sa Thunder, tinapos ang kanilang road trip sa 3-3.

Nagkabuhol sina Bryant at Westbrook sa third quarter na nagresulta sa technical foul ni Kobe.

Naglaro ang dalawang All-Star guards sa fourth quarter na nangailangan ng isang rebound para sa kani-kanilang triple-double.

Ngunit pareho nilang hindi ito nakuha hanggang matapos ang laro.

Show comments