SMBeermen kontra sa Heat sa ABL

MANILA, Philippines -  Malalaman kung may epekto ang mahabang pahinga ng San Miguel Beermen sa pagsagupa sa Saigon Heat sa pagpapatuloy ng 4th ASEAN Basketball League (ABL) ngayong gabi sa Tan Binh Stadium sa Vietnam.

Unang laro ng Beermen ay nangyari sa pagbubukas ng liga noon pang Enero 11 sa Mahaka Square sa Indonesia at hiniya nila ang nagdedepensang Warriors, 64-53.

Hindi naman nagpabaya ang tropa ni coach Leo Austria dahil sumabak sila sa mga tune-up games laban sa Barako Bull, Barangay Ginebra San Miguel at Petron Blaze at umukit ng tatlong panalo.

Ang laro ay itinakda sa alas-8:30 ng gabi at balak ng Beermen na manatiling nasa unahan bitbit ang 2-0 karta.

Hindi naman basta-basta padadaig ang Heat na naipanalo ang huling dalawang laro para sa 2-1 karta katabla ang Westports KL Dragons.

Si Brian Williams, gumawa ng 15 puntos at 19 rebounds sa unang panalo, ang magdadala sa Beermen pero dapat ding asahan ang pagputok ni Gabe Freeman na sa unang tagisan ay nalimitahan lamang sa walong puntos at pitong rebounds matapos ma-foul out.

 

Show comments