Asian Triathlon C’ships ibinigay uli sa TRAP
MANILA, Philippines - Magiging sentro uli ng Asian triathlon ang Pilipinas matapos ibigay sa Triathlon Association of the Philippines (TRAP) ang hosting uli ng Asian Triathlon Championships.
Sa Abril 27 hanggang 30 gagawin ang nasabing torneo at ito ay makikilala bilang K-SWISS Subic Bay Asian Triathlon Confederation (ASTC) ATC.
“Kami ay nagpapasalamat sa ASTC dahil sa tiwalang ibinibigay nila sa bansa na isagawa uli ang Asian Triathlon Championships sa Subic Bay,” wika ni TRAP president at POC chairman Tom Carrasco Jr.
Ang bansa ang tumayo bilang punong-abala ng torneo noong 1997 (6th) at 2004 (13th) edisyon.
Makasaysayan ang edisyong ito dahil sa unang pagkakataon ay isasama sa paglalabanang events ay ang Paratriathlon.
“Isa sa mga itutulak ng International Triathlon Union (ITU) ang mapalaki ang bilang ng mga sumasali sa Paratriathlon at ikinagagalak ng TRAP na sa Pilipinas isagawa ang kauna-unahang Paratriathlon sa Asian Championships,” dagdag ni Carrasco.
Ang unang araw (Abril 27) ay bukas para sa U-23, Elite Juniors, Mini sprint at Age Group sprint at sa susunod na araw ay ang tagisan ng mga Male at Female Elite, Inter-Club at Age Group sa standard distance. Ang huling araw sa Abril 29 ay para sa Asian Mixed Team Relay at Paratriathlon.
Ang tambalan ng TRAP at Subic Bay sa proyektong ito ay ikalawa sa tatlong pagsasamahan nila sa 2013.
Una rito ay ang gagawing 1st leg ng National Age Group Triathlon Series sa Pebrero 1 at ang huli ay ang Asian Duathlon Championship sa Nobyembre.
Hindi bababa sa 15 bansa ang sasali sa Asian Championships at makakatulong din ng TRAP ang SPEEDO, David’s Salon, Asian Centre for Insulation Philippines, Gatorade, Fitness First at Philippine Sports Commission (PSC).
- Latest