Bobcats tumiklop sa Heat
CHARLOTTE, N.C.--Lumaki si LeBron James na pinapanood ang wrestling.
Nang maglakad ang wrestler na si Ric ‘’The Nature Boy’’ Flair sa arena, alam ng isa sa pinakamahuhusay na entertainers kung paano magpasikat.
At ito ay ginawa ni James. Humakot ang 2012 MVP ng 27 points, 12 rebounds at 8 assists para ipalasap ng Miami Heat sa Charlotte Bobcats ang kanilang pang-16 sunod na kamalasan sa bisa ng isang 105-92 panalo.
Nagdagdag naman si Dwyane Wade ng 29 points at 9 rebounds, habang may 17 points si Mario Chalmers para sa Heat na binuksan ang kanilang four-game trip.
Apat na slam dunks ang isinalpak ni James sa inisyal na limang minuto para sa maagang ratsada ng Heat patungo sa kanilang pang anim na dikit na panalo.
Isang 9-0 bentahe ang kinuha ng Miami sa likod ng isang 3-pointer ni Chalmers at tatlong sunod na dunks ni James at isa ni Chris Bosh, tumapos na may 14 points.
Humugot si James ng 11 points sa first quarter ang walo ay mula sa kanyag mga fast-break dunks bukod pa sa 4 steals at 4 rebounds.
Habang hindi naiwanan ang Heat at nagtala ng isang 19-point lead, hindi naman nila kaagad matapos ang Bobcats, naglaro na wala sina starting center Byron Mullens, guard Ben Gordon at forward Tyrus Thomas dahil sa injuries.
Naibaon sa 17-point deficit sa halftime, nakadikit ang Bobcats sa 82-84 sa 7:16 sa fourth quarter nang makumpleto ni Gerald Henderson ang isang three-point play.
Ngunit tumipa si James ng isang 3-pointer, umiskor si Wade ng mga jumpers at nagdagdag ng tres si Shane Battier para sa 11-3 take ng Miami upang tuluyan nang makalayo sa Charlotte.
- Latest