Training ng mga atleta sa China tuloy na
MANILA, Philippines - Hindi apektado ng problema sa Scarborough Shoal sa pagitan ng Pilipinas at China ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa larangan ng palakasan.
Ito ang natiyak ng Philippine Sports Commission (PSC) matapos ihayag ni Pan Feng, ang Cultural Counselor ng Chinese Embassy sa Pilipinas, ang kahandaan ng China na tumulong pa rin sa pagsasanay ng pambansang atleta.
Nagpasabi rin si Feng sa PSC hinggil sa pagdating ng mga sports equipment na kanilang donasyon para makatulong sa mga atleta na maghahanda para sa SEA Games sa Myanmar sa susunod na taon.
Naunang nagpirmahan ang Pilipinas at China ng Memoramdum of Understanding sa larangan ng palakasan noong Agosto 31, 2011 ngunit ito ay nalagay sa alanganin dala ng naging problema sa Scarborough Shoal na inaangkin ng dalawang bansa.
“We are pleased that the General Administration of Sports of China, through Minister Liu Peng, declares its unwavering cooperation to the Philippine sports development program in an official communication on December 3, 2012,” ani PSC chairman Ricardo Garcia.
Isa hanggang dalawang buwang pagsasanay ang handang ibigay ng China sa Pilipinas habang binuksan din nila ang Beijing Sports University para sa mga Filipino coaches para sa in-school sports science courses at practical coaching techniques.
“The move is a renewed friendship between China and Philippines which shows that both countries are sincere in observing the MOU in sports signed on August 31, 2011. Sports is indeed a playing field to tighten relations among peoples and nations,” dagdag ni Garcia.
May 180 atleta na mga medalists ng SEA Games sa Indonesia ang balak na ilagay ng PSC sa kanilang priority lists at siyang sasanayin nang husto para sa asam na medalyang ginto sa Myanmar Games.
- Latest