Phl team na ilalaban sa 2013 Myanmar SEA Games, maagang sasanayin ng PSC para sa target na 80-golds
MANILA, Philippines - Target ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Pambansang delegasyon na ilalaban sa Myanmar SEA Games na makahablot ng 75 hanggang 80 ginto sa pinakamalaking torneo na lalahukan ng bansa sa 2013.
Ayon kay PSC chairman Ricardo Garcia, hindi na unang puwesto ang iisiping makuha ng Pambansang delegasyon kundi ang bilang ng gintong medalya na dapat na mapanalunan na lamang ang pagpupursigihan para matiyak ang pagbangon ng Pilipinas sa mahinang ipinakita noong 2011 SEAG sa Indonesia.
“Hindi na number one ang tatargetin natin kundi ang manalo ng 75 to 80 gold medals. If we were able to do that, I think we will have a good performance,” wika ni Garcia.
Gumugulong na ang paghahanda para sa SEA Games dahil inilagay na nila sa priority list ang mga atletang nanalo ng medalya sa Indonesia.
May 100 bilang mula sa 180 kabuuan ang pumirma na ng kontrata upang ibuhos lamang ang panahon sa pagsasanay at susuklian ito ng PSC ng buwanang allowances na P40,000, P30,000 at P25,000 kung ang atleta ay nanalo ng ginto, pilak at bronze medal noong 2011.
Nakaplano na rin sa PSC ang paggamit sa mga MOUs na pinirmahan sa sports bodies ng ibang bansa para dito pagsanayin ang mga piling manlalaro habang ang pondo ay hindi rin magiging problema dahil may natipid silang pera sa taong ito.
Hangad ng Pilipinas na makabangon mula sa ikaanim na puwestong pagtatapos sa Indonesia matapos magtala lamang ng 36 ginto, 56 pilak at 77 bronze medals.
- Latest