Gold kay Calamba sa World Taekwondo Poomsae tourney
MANILA, Philippines - Bantayan ang pangalang Mikeala Calamba sa larangan ng poomsae taekwondo sa hinaharap.
Sa murang edad na 15-anyos, ang third year high school student mula University of San Carlos (North Campus) ay gumawa ng pangalan nang manalo ng ginto sa 7th World Taekwondo Poomsae Championships na ginawa kamakailan sa Tunja City, Colombia.
Ito lamang ang ikalawang ginto ng Pilipinas sa nasabing torneo at ang una ay nangyari noon pang 2010 sa Uzbekistan nang manalo sina Rani Ann Ortega, Ma. Carla Janice Lagman, Camille Alarilla, JP Sabido, Brian Sabido at Anthony Ray Matias sa freestyle team competition.
Sa individual freestyle lumaban si Calamba at pinahanga niya ang mga hurado sa ipinakitang magandang porma, balanse at giliw habang isinagawa ang kanyang pagtatanghal.
Tinalo ni Calamba ang panlaban ng Vietnam na si Chau Tuyet Van, Delfia Rosmaniar ng Indonesia at Ann Bernadette Rodriguez ng USA na nakontento sa pilak at 2 bronze medals.
Sa kabuuan, ang Philippines ay nakapag-uwi din ng 1-silver at 2-bronze si Calamba ay nakadalawang medalya dahil kasama siya nina Ortega at Lagman na pumangatlo sa women’s team competition.
- Latest