Sa huling segundo ng third round: Donaire pinatumba si Arce
HOUSTON -- Isang linggo matapos patulugin ni Juan Manuel Marquez si Filipino legend Manny Pacquiao sa sixth round, isang third-round knockout naman ang itinala ni Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. laban sa kaibigang si Jorge Arce kahapon sa harap ng 7,250 manonood dito sa Toyota Center.
Pinabagsak ng 30-anyos na si Donaire ang 33-anyos na si Arce sa huling segundo sa third round mula sa isang left hook para mapanatiling suot ang kanyang WBO super bantamweight crown.
“I pretty much timed Arce,” ani Donaire. “I knew he would open up. He hurt me a little. My left hand is not completely healed. I needed to figure out the distance to get him to open up.”
Ito ang ikaapat na sunod na panalo ni Donaire, nagbabandera ngayon ng 31-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 20 KOs, ngayong 2012.
Noong Pebrero ay tinalo ni Donaire si Wilfredo Vazquez Jr. via split decision para angkinin ang WBO super bantamweight title na binakante ni Jorge at binigo si South African Jeffrey Mathebula para idagdag ang IBF belt noong Hulyo.
Isang ninth-round stoppage naman kay dating WBC titleholder Toshiaki Nishioka ng Japan ang itinala ni Donaire noong Oktubre.
Unang pinatumba ni Donaire si Arce mula sa kanyang right-left combination sa huling minuto ng second round at sa third round ay muling pinabagsak ni Donaire si Arce buhat sa isang right hand at isang left uppercut.
Ang matulis na left hook ni Donaire ang tuluyan nang tumapos kay Arce sa huling segundo sa third round.
Hindi na tinapos ni referee Laurence Cole ang pagbibilang kay Arce sa 2:59 nito.
- Latest