Media binanatan ni Cojuangco
MANILA, Philippines - May Christimas wish si Philippine Olympic Committee president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. sa mga national athletes at coaches.
At ito ay pagdarasal nila sa Sacred Heart.
“It helped me, I know it will help you,” sabi ng 78-anyos na si Cojuangco sa mga national athletes at coaches sa kanilang grand Christmas party na inorganisa ng Philippine Sports Commission sa Ninoy Aquino Stadium noong Biyernes ng gabi.
Matapos ito, tinalakay naman ni Cojuangco ang matamlay na kampanya ng bansa sa nakaraang 2011 Southeast Asian Games sa Indonesia.
“Hindi nila alam kung gaano kayo naghirap sa pagsasanay at sa pagsali sa kompetisyon. Sasabihin lamang nila na debacle ang ating kampanya,” sabi ni Cojuangco.
“Huwag kayong maniniwala sa nababasa ninyo sa pahayagan na kami ay nag-aaway. Sila ay mga bayarang media,” pagkondena pa ng dating Tarlac Congressman sa media na kumokober sa PSC at POC.
Pinatutsadahan rin ni Cojuangco ang isa niyang dating kakampi na natalo sa nakaraang POC elections.
Wala ang mga NSA heads na kumalaban kay Cojuangco sa nakaraang POC election sa Christmas party na tinaguriang “Bayanihan para sa Gintong Medalya: POC-PSC Yearend Assessment”.
Samantala, nagbigay naman si PSC chairman Richie Garcia ng Christmas bonus na P3,000 sa mga miyembro ng national training pool at mga coaches.
- Latest