16th ASEAN university games 2: gold sa Pinoy Jins
MANILA, Philippines - Kumubra ng dalawang ginto ang mga jins na kasama sa Team UAAP-Philippines sa 16th ASEAN University Games noong Biyernes sa Vientiane, Laos.
Sina Christian Al dela Cruz at Ernest John Mendoza ang nagbigay ng karangalan sa delegasyon sa men’s welterweight at middleweight divisions.
Tinalo ng UAAP MVP Dela Cruz si Pham Huu Son ng Vietnam, 8-4, habang nanalo sa pamamagitan ng disqualification si Mendoza kay Sawatvilay Phimmasone ng Laos.
May dalawang bronze ang kinubra ng delegasyon sa katauhan nina jin Jane Narra at diver Rebecca Pahoyo para sa koponan na naalpasan na ang isang ginto na naiuwi ng Pilipinas sa Chang Mai dalawang taon na ang nakararaan at hatid ni Izel Masungsong sa women’s lightweight sa taekwondo.
Sa iba pang resulta, napatalsik na si Toby Gadi sa men’s badminton nang natalo sa katunggali mula Malaysia at Indonesia sa 1-4 iskor.
Hindi rin pinalad ang mga panlaban sa poomsae na sina Frances Beatrice Alarilla at Raymund Ed Dominic Bernejo na tumapos lamang sa ikaanim na puwesto sa mixed division.
Ang Malaysia ang siyang nangunguna sa medal race sa kinolektang 9 ginto, 4 pilak at 12 bronze bago sumunod ang Vietnam, 8-10-16, Laos, 8-6-9, at nagdedepensang kampeong Thailand, 4-7-9.
- Latest