Donaire kay Arce: patutulugin kita!
MANILA, Philippines - Kumpletuhin ang mabungang taon ang nasa isipan ngayon ni Nonito Donaire Jr. sa pagharap kay Jorge Arce ng Mexico ngayong umaga sa Toyota Center sa Houston, Texas.
Itataya ni Donaire (30-1, 19) ang hawak na Ring at WBO super bantamweight title laban kay Arce (61-6-2, 46) at balak niyang kunin ang ikaapat na sunod na panalo sa 2012.
May 29-fight winning streak si Donaire at huling tinalo ang dating tinitingala sa dibisyon na si Toshiaki Nishioka ng Japan sa pamamagitan ng ninth round TKO noong Oktubre 13.
Bagamat mahigit dalawang buwan pa lamang siya huling umakyat ng ring, tiniyak ni Donaire na handang-handa siya sa labanan at ipatitikim kay Arce ang ipinagmamalaking lakas ng mga kamao.
“I’m in there to knock Arce out because I want to and that’s what I plan to do,” wika ni Donaire na tumimbang ng 121.5 pounds.
Aminado naman si Arce na si Donaire ang isa sa pinakamatinding laban niya sa kanyang career pero handa siyang maipanalo ito at dugtungan ang dominasyon ng mga Mexican boxers sa Filipino fighters.
Noong nakaraang Linggo ay nanalo si Juan Manuel Marquez kay Manny Pacquiao sa pamamagitan ng 6th round knockout at ito ay isa sa inspirasyon ng 33-anyos na si Arce.
“What happened last week in Las Vegas with Pacquiao and Marquez is going to happen again. A new surprise,” banggit ni Arce.
Mas beterano sa laban si Arce pero di hamak na mas mabibigat ang mga nakasukatan ni Donaire upang mas paboran sa laban.
Si Laurence Cole ang siyang referee habang ang mga judges ay sina Raul Caiz Sr., Levi Martinez at Javier Alvarez.
- Latest