Lions titiyakin ang panalo vs Azkals
MANILA, Philippines - Matapos makahirit ng scoreless draw sa kanilang away game, pagtutuunan naman ng Singapore na makuha ang mahalagang panalo sa harap ng kanilang mga kababayan.
Ang home game ng Singapore laban sa Azkals ay gagawin bukas sa Jalan Besar Stadium at madedetermina sa larong ito kung sino sa dalawang koponan ang aabante sa finals ng 2012 AFF Suzuki Cup.
“I think they (Azkals) know when they come to Singapore it is going to be even harder for them,” wika ni Daniel Bennett na kasapi ng 2004 at 2007 champion team ng Singapore.
“We’ll be waiting for them in Singapore, I think it is going to be a tough game for them,” dagdag ni Bennett sa panayam na ginawa matapos ang unang tagisan sa Rizal Memorial pitch.
Lamang ang Azkals dahil kailangan lamang nila na matiyak na mauwi sa scoring draw ang laban para makuha ang karapatang umabante sa unang pagkakataon sa finals.
Umalis na kahapon ang Azkals patungong Singapore upang magkaroon ng isang araw para makapagsanay sa gagamiting pitch.
May kumpiyansa rin si German Azkals coach Has Michael Weiss na kayang mangibabaw ng kanyang koponan laban sa inspiradong home team.
“We start from zero,” wika ni Weiss. “I am positive that we will play better in Singapore than we did at Rizal.”
Dagdag tao sa Azkals si Jerry Lucena upang mapalakas ang midfield ng koponan.
Idinagdag din ni Weiss na gagamit siya ng bagong kumbinasyon lalo pa’t inaasahan niyang magiging agresibo ang kalaban na kailangang makakuha ng panalo para pumasok pa sa championship round at maisakatuparan ang hanap na ikatlong Suzuki Cup title.
- Latest