Peñalosa, Sanchez wagi: Gesta, Farenas bigo rin
MANILA, Philippines - Umuwing luhaan sina Mercito Gesta at Michael Farenas nang nabigo sa asam na makahawak ng world title sa mga undercard sa Manny Pacquiao-Juan Manuel Marquez fight kahapon sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
Nakita ni Gesta na natapos ang pagtangan ng malinis na karta nang turuan siya ng leksyon sa tamang pagbo-boxing ni IBF lightweight champion Miguel Vasquez ng Mexico na iniuwi ang 117-111, 119-109, 118-110, unanimous decision panalo.
Nahirapan si Gesta sa mas mabilis na katunggali na nag-iiwan din ng jabs na kadalasan ay tumatama sa 25-anyos challenger na tubong Mandaue City, para mapagtagumpayan ang ikalimang pagdepensa sa titulong inangkin noong 2010.
Ininda naman ni Farenas ang dalawang standing-8 na ipinalasap ni Athens Olympics gold medalist at dating WBA World featherweight champion Yuriorkis Gamboa sa ikalawa at ikapitong rounds para angkinin ng US boxer ang isa pang 117-109, 118-108, 117-108 unanimous decision panalo.
Tumumba si Gamboa sa palitan nila ni Farenas sa ninth round pero malakas na pagtatapos ang ginawa nito sa huling tatlong round para kunin ang interim World super featherweight title.
Ang nagpasaya sa mga Pinoy na nanood ng mga undercards ay sina Dodie Boy Peñalosa Jr. at Ernie Sanchez na nanalo sa kanilang laban na ginawa sa walong rounds.
Pinatulog ni Peñalosa sa second round si Jesus Lule-Raya habang si Sanchez na tubong General Santos City ay umukit ng 78-73, 78-73, 77-74, panalo kay Coy Evans.
Ito ang ika-10 sunod na panalo ni Peñalosa na lahat ay sa pamamagitan ng KO habang si Sanchez ay umangat sa 14 panalo matapos ang 17 laban.
Ang dalawa ay sumabak din sa kanilang kauna-unahang laban sa US.
- Latest