88th NCAA Women’s Volleyball: Lady Altas tinuhog ang Lady Stags
MANILA, Philippines - Dalawang sunod na error mula sa karibal ang nagbigay sa nagdedepensang kampeon na Perpetual Help ng 25-19, 22-25, 25-14, 20-25, 21-19, panalo laban sa multi-titled San Sebastian sa pagbabalik-aksyon sa 88th NCAA women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan, City.
Si Honey Rose Tubino at Sandra Delos Santos ang mga nagdala sa laro ng Lady Altas upang makuha ang ikalawang sunod na panalo at mapanatili ang kapit sa liderato.
May 28 puntos si Tubino mula sa 21 hits at pitong blocks habang 27 ang ibinigay ni Delos Santos na kinatampukan ng 10 blocks, 14 kills at 3 service aces.
Nasayang ang 28 attack points ni Gretchel Soltones dahil bumaba sa 1-1 ang karta ng Lady Stags matapos bumigay ang laro sa labang umabot ng isang oras at 49 minuto.
Tinuhog naman ng Emilio Aguinaldo College Lady Generals ang unang panalo sa torneo sa pamamagitan ng 25-16, 15-25, 25-15, 25-21, tagumpay sa Letran Lady Knights sa naunang tagisan.
May walong service aces si Ivy Angeline Carlos na tumapos taglay ang 13 hits upang suportahan ang 17 kills tungo sa 19 puntos ni Charmille Belleza para ipalasap sa Lady Knights ang kanilang unang pagkatalo.
- Latest