Landslide victory sa grupo ni Cojuangco
MANILA, Philippines - Sa labanan ng chairmanship lamang naging mainitan ang botohan pero sa iba ay lopsided na nanalo ang mga ka-tiket ng grupong pinangungunahan ni Jose Cojuangco Jr.
Sa pagpapatotoo na si Cojuangco pa rin ang pinagkakatiwalaan para manguna sa Philippine Olympic Committee (POC), ang lahat ng kanyang binitbit sa tiket ay nanalo laban sa grupong pinamunuan ni Manny Lopez sa idinaos na POC election kahapon sa Alabang Country Club.
Ang naging bakbakan ay sa pagitan nina Triathlon president Tom Carrasco Jr. at Weightlifting head at incumbent chairman Monico Puentevella na napanalunan ng una sa dikitang 21-18 boto.
Walang kalaban si Cojuangco sa pampanguluhan pero binilang pa rin ang nakuhang boto at lumabas na majority president siyang mauupo sa ikatlong termino sa nakuhang 32 boto.
Ito ang pinakamataas na botong nakuha niya sapul ng tumakbo sa POC walong taon na ang nakalipas para isantabi ang mga ulat na marami sa mga National Sports Associations (NSAs) ang ayaw na sa kanyang pamumuno.
Sina Joey Romasanta ng Karatedo at Jeff Tamayo ng Soft Tennis na tumakbo sa 1st VP at 2nd VP ayon sa sumusunod laban sa incumbent na si Lopez at Bambol Tolentino ay umukit ng 24-16 panalo habang sina Julian Camacho ng wushu at Prospero Pichay ng chess na tumakbo sa treasurer at auditor ay may 28-12 panalo laban kina Romy Ribano ng Squash at Godofredo Galindez Jr. ng golf.
Sina Dave Carter ng Judo at Jonnie Go ng Canoe-Kayak ang lumabas na may pinakamaraming boto sa board members sa tig-29 habang si Cynthia Carrion ng Gymnastics at si Sailing president Ernesto Echauz ay may 23.
Ang mga nakalaban sa apat na board seat na sina Gener Dungo ng Volleyball, Victor Africa ng Fencing at Hector Navasero ng Baseball ay may 19, 13 at 9 boto.
“Tanggap namin ang desisyon ng mga miyembro at binabati namin sila sa kanilang pagkapanalo,” wika ni Lopez na siyang bumoto para sa Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP).
Pinangasiwaan ang halalan na umabot ng limang oras ng 3-man election committee Victorico Chaves, Ricky Palou at Bro Bernie Oca at lahat ng 43 voting members ay nakiisa sa kaganapan.
- Latest