Cebu City nagdomina sa Visayas leg ng Batang Pinoy
TACLOBAN CITY, Philippines --- Humakot ang Cebu City ng 35 sa nakatayang 36 gintong medalya sa dancesports para banderahan ang pagtatapos ng Visayas Leg ng 2012 PSC-POC Batang Pinoy.
Kumolekta ang Cebu City ng kabuuang 70 gold, 56 silver at 54 bronze medals para dominahin ang naturang qualifying event para sa National Finals na nakatakda sa Disyembre sa Iloilo City.
Ang larong dancesport ay isang national finals event katulad ng girls softball at weightlifting.
Kumuha naman ng tig-pitong ginto ang Cebu City sa arnis at taekwondo, anim sa chess, lima sa karatedo at tig-tatlo sa swimming at athletics.
Ang Leyte Sports Academy ang pumangalawa sa medal tally sa itinalang 39-26-27 kung saan ang 32 ginto rito ay nagmula sa athletics.
Pumuwesto sa pangatlo ang Bacolod City sa kanilang 32-22-20 medal count.
Sina Remselle Limaco at Kyla Isabelle Mabus ay lumangoy ng tig-anim na ginto sa swimming events para sa kabuuang 17 ng Bacolod City.
Nagtapos sa ikaapat ang Negros Occidental sa kanilang 28-13-13 kung saan ang 17 rito ay galing sa pool events sa pangunguna nina Dustin Marco Ong at Lorenzo Xavier Abello na may tig-limang gold medals.
Ang Mandaue ang nagdomina sa boxing sa pitong hinakot para malagay sa ikalimang puwesto sa 16-5-9 medal tally.
- Latest