Mayor Hagedorn-NAMSSA Moto finals pakakawalan ngayon sa Speedworld
MANILA, Philippines - Idaraos ngayon ang ikasiyam at huling round ng Mayor Edward Hagedorn-National Motorcycle Sports and Safety Association (NAMSSA) sa Speedworld MX Circuit sa SM Bicutan sa Parañaque City.
Nasa 14 kategorya ang paglalabanan sa karera at ang aksyon ay gagawin mula alas-9 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Ang registration ay gagawin mula alas-7 ng umaga habang isang fellowship ang gagawin sa gabi at isasabay rito ang awarding ceremony.
Si Puerto Princesa City Mayor Hagedorn ay inaasahang manonood ng tagisan dahil kasabay sa karera ang pagbibigay ng parangal sa kanya ng NAMSSA dahil sa kanyang walang sawang pagsuporta sa motocross.
Ang Puerto Princesa ang siyang palagiang nagtataguyod sa Philippine leg ng FIM Asia Motocross Supercross Championship (AMSC).
May basbas ng Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC), ang karerang ito ng NAMSSA ay bahagi sa kanilang grassroots development program sa hangaring makatuklas pa ng mga mahuhusay na riders na maaaring pakinabangan ng bansa sa mga susunod na malalaking torneo.
Ang mga tinitingala sa ngayon ay sina Kenneth San Andres at Mark Reggie Flores.
Si San Andres ay tumapos sa pang-apat sa overall sa Asian 125 sa huling yugto ng 2012 AMSC noong nakaraang taon habang si Flores ay kampeon pa rin sa Asian Junior 85cc division.
Si Flores ay bibigyan ng pagkilala ng FIM Asia sa Disyembre 14 sa FIM Asia Gala Awards Ceremony sa Bali, Indonesia.
Ang mga kikilalaning kampeon at runner-up sa iba’t ibang categorya sa 2012 NAMSSA National Motocross Development Program ay tatanggap ng parangal sa taunang NAMSSA Gala Awards Ceremony sa Eden Night Club sa Eastwood, Libis, Quezon City sa Dec. 19.
- Latest