Aguilar laglag sa Santa Cruz Warriors
MANILA, Philippines - Nalagay sa alanganin ang pangarap ni Japeth Aguilar na maging kauna-unahang Filipino player na makalaro sa NBA D-League nang hindi siya isama sa opisyal na talaan ng manlalaro ng Santa Cruz Warriors.
Kahapon ang huling araw na ibinigay ng pamunuan ng liga sa mga koponang kasali na gawing opisyal ang kanilang line-up at minalas ang 6’9 na si Aguilar na siyang inalis sa koponan.
Bagamat wala sa official roster, si Aguilar ay inimbitahan pa rin ng pamunuan ng Warriors na manatili sa koponan bilang practice player.
Mataas ang ekspektasyon ng mga nananalig sa husay ni Aguilar na masasama siya sa Warriors matapos malagpasan ang naunang dalawang cut na ginawa ng koponan.
Ang 2009 number one pick sa PBA na nakapag-laro rin sa Talk N’Text at naging kasapi ng Gilas I, ay sumabak din sa dalawang tune-up games na hinarap ng Warriors bago nagdesisyon ang opisyales ng Santa Cruz na pakawalan na ito.
Sa pangyayari, si Aguilar ay naging free agent at puwedeng kunin ng ibang koponan upang magka-roon pa ng kaunting liwanag ang hangaring kasaysayan.
Kung sakaling walang kumuha, puwede namang umuwi ng Pilipinas si Aguilar na naglaro sa Western Kentucky na isang NCAA Division 1 team.
May standing offer ang Talk N’ Text para sa kanyang serbisyo habang binuksan din ni national coach Chot Reyes ang pintuan para kay Aguilar na masama sa pagpipiliang players para sa malalaking torneo na haharapin ng bansa sa pangunguna ng FIBA Asia Men’s Championship sa susunod na taon.
- Latest