MANILA, Philippines - Nakitaan agad ng bangis si national boxing team member Charly Suarez nang manalo siya sa kanyang laban upang tulungan ang Dolce & Babbana Italia Thunder na manalo sa German Eagles, 3-2, sa pagbubukas ng 2012-2013 Season of the World Series of Boxing (WSB) sa Mediolanum Forum Assago sa Milan, Italy.
Ang laro ay ginawa noong Sabado at si Suarez ang ikalawang boksingero na lumaban para sa Italia Thunder na siyang nagkampeon sa unang edisyon ng WSB noong nakaraang taon.
Hinarap ng 24-anyos SEA Games gold medalist ng Palembang na si Suarez si Robert Harutyunyan at bagamat mas malaki ang kalaban ay hindi umubra ito dahil sa ipinakitang bilis at lakas ng suntok.
Pumutok pa ang ka-nang kilay ng 22-anyos na si Harutyunyan matapos tamaan ng left hook upang makuha ni Suarez ang split decision panalo sa lightweight division.
Bukod kay Suarez, na-nalo rin sina team captain Clemente Russo at 2012 Olympics bronze medallist Vincenzo Mangiacapre para makuha ng nagdedepensang kampeon ang unang panalo.
Si Suarez ay nasa ikalawang taon ng paglalaro sa WSB pero baguhan siya sa Thunder. Dati siyang naglalaro sa Mumbai Fighter ng India pero nagdesisyon ang pamunuan ng koponan na magpahinga sa season na ito.
Pinahintulutan ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) na makalaro uli si Suarez sa WSB dahil malaki ang maitutulong nito para mas mapaghusay nito ang kanyang kaalaman sa pagbo-boxing.
Tampok na torneo na pinaghahandaan ng ABAP ay ang SEA Games sa Myanmar para sa 2013.
Ang WSB ay may basbas ng AIBA (international boxing federation) kaya’t maaaring bumalik si Suarez sa Pilipinas kung kakailanganin ang kanyang serbisyo ng Pambansang koponan.