Lopez sa POC: NSAs respetuhin
MANILA, Philippines - Nabubuhay ang Philippine Olympic Committee dahil sa mga National Sports Associations kaya’t nararapat lamang na respetuhin ng POC ang autonomy na taglay ng mga NSAs.
Ito ang tinuran ni POC first vice president Manny Lopez na tatakbo uli sa nasabing puwesto sa gaganaping halalan sa Nobyembre 30 sa Alabang Country Club.
Ang patuloy na panghihimasok ng POC sa mga problema ng NSAs, ayon kay Lopez, ang siyang tunay na nagiging hadlang para sa pag-unlad ng palakasan sa bansa.
“It is the NSA that is responsible for its activities including the performance of its athletes and accountable also for the results of and the returns on the PSC financial assistance given to them (NSAs),” wika ni Lopez.
“As long as the NSA does not contravene provisions of the Olympic Charter or of the POC Constitution & By-Laws, the POC must stay away,” dagdag ni Lopez.
Ang pagrespeto sa mga NSAs ang isa sa mga isusulong ng kanyang grupo kapag naupo sa POC.
Kasama ni Lopez sa kanyang tiket sina Monico Puentevella bilang chairman, Abraham “Bambol” Tolentino bilang 2nd vice president, Romy Ribano bilang treasurer, Godofredo Galindez Jr. bilang auditor at sina Atty. Victor Africa, Gener Dungo at Hector Navasero bilang board members.
Ang nakaupong pangulo ng POC na si Jose Cojuangco Jr. ay tatakbo uli sa nasabing puwesto at kasama niya sa kanyang tiket sina Tom Carrasco (chairman), Joey Romasanta (1st VP), Jeff Tamayo (2nd VP), Julian Camacho (treasurer), Prospero Pichay (auditor) at Cynthia Carrion, Jonnie Go, Dave Carter at Ernesto Echauz bilang board members.
- Latest