Azkals nasa Bangkok na para sa Suzuki Cup
MANILA, Philippines - Anuman ang mangyari sa negosasyon hinggil sa mga Fil-Foreign players ay tiyak ng may 22 manlalaro ang Philippine Azkals na lalaban sa 2012 AFF Suzuki Cup sa Bangkok, Thailand.
Dumating kahapon ng hapon ang Azkals sa Bangkok upang paghandaan ang kompetisyon na gagawin mula Nobyembre 24 hanggang 30 laban sa host Thailand, Vietnam at Myanmar.
Ang mga naisama sa koponan ay sina forwards Phil Younghusband, Ian Araneta, Joshua Beloya, Dennis Wolf; midfielders Marwin Angeles, Nestorio Margarse Jr., James Younghusband, Jason de Jong, Emilio Caligdong, Jeffrey Christaens, Andres Gonzales,Misagh Bahadoran, Chris Greatwich at Patrick Reichelt; defenders Juan Luis Guirado, Rob Gier, Jason Sabio, Carli de Murga, Ray Johsson at Demitrius Omphroy at mga goalkeepers Eduard Sacapano at Ref Cuaresa.
Hinihintay pa ng koponang hawak ni German coach Hans Michael Weiss ang mga Fil-Europeans na sina striker Angel Guirado, midfielder/striker Paul Mulders at mga defenders Dennis Cagara at Jerry Lucena.
Ang mga manlalarong ito ay sinasabing binigyan na ng go-signal ng mga mother teams para maglaro sa Nationals.
Sina Neil Etheridge at Roland Muller ang dalawang Fil-European keepers na nais ding makuha uli sa Azkals para lumakas ang laban sa torneo.
Ang 22 manlalaro na nasa Bangkok ay bihasa na lalo pat’t sila ay sumailalim sa masinsinang pagsasanay, kabilang ang pagharap sa mga international friendly games, upang maisakatuparan ang paghahangad na maduplika kungdi pa ay mahigitan ang pagkapasok sa semifinals sa 2010 Suzuki Cup.
- Latest