Aussies diniskaril ang Pinoy netters
MANILA, Philippines - Umiskor ng magkahiwalay na panalo sina No. 3 seed Brian Tran at Melissa Esguerra ng Australia para makapasok sa tournament proper ng Phinma International Juniors Tennis Championships kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Tinalo ni Tran si Stefan Suarez, 7-6 (5), 6-3, samantalang binigo ni Esguerra si Dominique Ong, 6-2, 6-2, sa event na itinataguyod ng Technifibre (official ball), Viva (official mineral water) at Powerade (official energy drink) at suportado ng Philippine Sports Commission.
Nauna nang dinispatsa ni Ong si Adelya Karaalp ng US, 6-2, 6-1, bago yumukod kay Esguerra sa huling araw ng two-day eliminations.
Iginupo naman ni Suarez ang kababayang si Mart Cabahug, 6-2, 6-2, subalit natalo kay Tran.
Tanging sina Jurence Mendoza at ang 13-anyos na si Alberto Lim ang kakampanya para sa bansa sa boys’ division, habang sina Maika Tanpoco at Marian Capadocia ang sasabak sa girls’ class.
Samantala, natalo naman sina Nicole Amistad at Charito Capadocia kina top seed Flyora Shiyanova at Lisa-Marie Rioux ng Japan, 6-1, 6-1, at giniba ni No. 2 Ning Hai ng China si Jzash Canja, 6-3, 6-1.
Makakasama ng 16-anyos na si Mendoza sa 32-player draw sa boys’ division sina Wei Jen Chen ng Taiwan, Teeradon Tortrakul ng Thailand, Xin Chen ng China, Daniel Nolan ng Australia at Ahmed Deedat Abdul Razak ng Malaysia.
- Latest