Bigong umusad sa 45th All -Japan C’ships Orcollo laglag na sa No. 1 sa WPA rankings
MANILA, Philippines - Naisuko na ni Dennis Orcollo ang pagiging world’s number one pool player sa mundo nang nabigong pagharian ang idinaos na 45th All Japan Championship sa Amagasaki City, Japan.
Si Orcollo na number one player ng mundo ng WPA noong nakaraang taon, ay umabot lamang ng hanggang quarterfinals sa torneong ginawa mula Nobyembre 13 hanggang 18.
Nanalo kina Yoshinori Hirano ng Japan, 11-2; Chang Yu-lung ng Chinese Taipei, 11-5; at kay Fil-Canadian Alex Pagulayan, 11-2; minalas na nalaglag si Orcollo kay Fu Che-wei ng Taipei, 8-11, para mamaalam na.
Si Chang Jung-lin ang hinirang na kampeon sa torneo matapos talunin si Yang Ching-shun sa All-Chinese Taipei finals sa 11-7 iskor.
Sa talaan ng WPA noong Nobyembre 6 para sa ranking ng mga manlalaro, si Chang ang number one bitbit ang 1681 habang si Orcollo ang nasa ikalawa sa 1620 puntos.
Bukod sa Japan Open, ang iba pang ranking tournaments ng WPA ay World 8-Ball, World 9-Ball, China Open at US Open.
Umabot sa 12 ang manlalarong inilahok ng Pilipinas at ang lumabas na may pinakamagandang ipinakita ay si Johan Chua na umabot sa semifinals pero natalo kay Yang, 8-11.
- Latest