Pinas sibak sa World Baseball Classic
MANILA, Philippines - Ang naunang tinaguriang ‘monster’ team ng Pilipinas ay naging maamong tupa nang matalo ang pinaigting na national baseball team sa New Zealand sa knockout game, 10-6, at mamaalam na sa idinadaos na World Baseball Classic qualifying sa Xinzhuang Stadium, New Taipei City, Taiwan.
Nakauna ang Pilipinas sa second inning nang humataw ng lead-off double si Leighton Pangilinan at umiskor sa palo ni Alec Rosales pero bumigay ang depensa sa top of the third inning para makaiskor ng tatlo ang Kiwis.
Si Pangilinan at Ryan Pineda ay nagtala ng mga fielding errors para matulungan ang katunggali sa pag-iskor at mahawakan na ang kalamangan sa laro.
Sa kabuuan, ang Pilipinas ay mayroong pitong errors upang makita ang kawalan ng magandang teamwork ng koponang nagsama-sama lamang tatlong araw bago binuksan ang torneo.
Starter ng bansa si Charlie Labrador at siya ang lumabas na losing pitcher sa ibinigay na anim na runs (2 earned runs) sa pitong hits mula sa limang innings na pagpukol. Pinagpukol din sa laro si Fil-Am Devon Bryce Ramirez na may four runs (3 earned runs) sa limang hits sa 1 2/3 innings.
Si Vladimir Eguia ay pumukol din sa 1 1/3 inning at si 6’4 dating San Francisco Giants pitcher Gelo Espineli ay ginamit sa ikasiyam at huling inning at tulad ni Eguia ay may tig-isang stikeouts.
Ang itinuring na mangunguna sa laban ng Pambansang koponan na si Espineli ay pumukol lamang sa dalawang innings sa kabuuan ng torneo. Bago ito ay ginamit na closer ang batikang manlalaro sa 8-2 panalo sa Thailand.
Bago ito ay lumasap ng 16-0 pagkadurog ang Nationals sa kamay ng host Taipei para malaglag sa loser’s bracket.
- Latest